
Isasaayos ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Philippine Sports Commission (PSC) ang mga nalumang sports facilities sa iba’t ibang bahagi ng bansa na gagamitin sa pagsasanay ng mga atletang Pilipino.
Kabilang sa mga proyektong uunahing ayusin ang Ilocos Norte Sports Institute and Research Building na gagamitin para sa bowling, gymnastics, badminton, at sepak takraw.
Sa Siargao, planong bilisan ang pag-develop ng General Luna Convention Center upang gawing watersports training facility para sa surfing at iba pang coastal sports.
Palalawakin din ang Siargao Sports Complex na sasailalim sa dagdag-pasilidad gaya ng courts, track oval, at dormitoryo para sa mga atleta.
Sa Mindanao, gagawing Regional Training Center ang Zamboanga City Sports Complex para sa Zamboanga Peninsula, habang sa Baguio City ay ipagpapatuloy ang rehabilitasyon ng Athletic Bowl na matagal nang ginagamit ngunit nangangailangan ng seryosong pag-aayos.
Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, inaasahang makakatulong ang mga pasilidad sa paghahanda ng mga atleta at sa pag-host ng mga kompetisyong internasyonal.
Gayunman, wala pang malinaw na timeline kung kailan ganap na magagamit ng mga atleta ang mga pasilidad.










