Alas-4:00 pa lamang ng madaling araw kanina ay dumagsa na ang essential workers sa Robinsons Mall sa Ermita, Maynila para magpabakuna kontra COVID-19.
Ayon kay Barangay 669 Chairperson Cynthia Llorente, umabot hanggang sa Adriatico Street sa tapat ng kanilang barangay hall ang pila ng A4 members.
Kabuuang 750 na essential workers ang naturukan nila ngayong araw ng Sputnik V vaccine.
Sinabi ni Chairperson Llorente na dahil sa sobrang dami ng dumagsa ng essential workers, alas-9:00 pa lamang aniya kanina ay nag-cut off na sila dahil 750 doses lamang ang alokasyon sa kanilang barangay sa araw na ito.
Ang naturang vaccination sa Barangay 669 ay hindi lamang para sa mga residente ng Maynila kung hindi para sa lahat ng mga manggagawa mula sa iba’t ibang lugar na nagtatrabaho sa lungsod.
Muli namang ipagpapatuloy ang vaccination sa nasabing barangay sa oras na agad na dumating ang mga karagdagang bakuna.