Sputnik V vaccine, planong bilhin ng pamahalaan sa susunod na buwan

Nakatakdang bumili ang pamahalaan ng tatlong milyong doses ng Sputnik V vaccines na gawa ng Gamaleya Research Institute ng Russia sa susunod na buwan.

Ayon kay Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., magkakaroon ng vaccine negotiation sa Martes, March 23 para plantsahin ang mga detalye ukol sa procurement.

Bukod dito, nagpapatuloy din aniya ang isa pang hiwalay na negosasyon sa Gamaleya para payagan ang mga Local Government Units (LGUs) na direktang makabili ng supply ng bakuna sa bansa.


Sinabi rin ni Galvez na bibili rin ang pamahalaan ng dalawang milyong doses ng Sinovac vaccines sa susunod na buwan.

Sa buwan ng Mayo, bibili muli ang gobyerno ng karagdagang dalawang milyong Sinovac vaccines habang paparating na sa bansa ang 2.6 million doses ng Moderna vaccines mula sa Estados Unidos.

Nabatid na binigyan na ng Emergency Use Authorization (EUA) ng Food and Drug Administration (FDA) ang Russian vaccine na may 91.6% efficacy rate at may mataas na panlaban sa mga bagong variants.

Facebook Comments