Nagkasundo ang mga miyembro ng bicameral conference committee na paglaanan ng malaking pondo ang Special Risk Allowance (SRA) at booster shots ng COVID-19 sa 2022.
Ayon kay House Committee on Appropriations Chairman Eric Yap, ilan lamang ito sa mga “salient points” na sinang-ayunan ng Kongreso.
Aniya, P50 billion ang inilaan ng bicam para sa SRA ng mga health care workers at P50 billion din para sa booster shots.
Sinabi ni Yap na talagang inuna nila ang pangangailangan ng mga medical workers dahil sila ang mga frontliners ng bansa sa paglaban sa pandemya.
Kung matatandaan walang inilaan ang Department of Budget and Management (DBM) para sa SRA ng mga health care workers habang sa booster shots ay mayroong P45 billion pero ito ay nakalagay naman sa “unprogrammed funds” na hahanapan pa ng pondo.
Samantala, naglaan din ang bicam ng P3.5 billion para sa pagbili ng mga bagong C-130 ng Air Force dahil nakita ang kahalagahan nito sa paghahatid ng ayuda at bakuna ngayong pandemya.
Mayroon ding P32 billion para sa State Universities and Colleges (SUCs) bilang paghahanda sa pagbabalik sa klase o face-to-face classes.
Nagawa aniyang mapaglaanan ng pondo ang mga nabanggit matapos na bawasan ang pondo ng ilang mga programa na may mababang utilization rate.