SRA, tiniyak ang tuloy-tuloy na imbestigasyon sa paglabag sa SRP ng asukal

Tiniyak ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na tuloy-tuloy ang isinasagawa nilang imbestigasyon kaugnay ng paglabag sa suggested retail price o SRP sa asukal.

Ayon kay SRA Administrator Engr. Hermenegildo Serafica, sa ilalim ng administrative order No. 7 series of 2020 dapat nasa ₱50 lang refine ng asukal kada kilo, ₱45 ang brown at wash na asukal kada kilo.

Pero sa mga palengke gaya ng Mega Q-mart, aabot na sa ₱73 kada kilo ang puting asukal, ₱55 ang wash at ₱51 ang brown.


Sinabi ni Serafica na patuloy ang kanilang ginagawang pag-imbestiga para mapanagot ang mga nagsasamantala sa pagtaas ng presyo ng asukal.

Sa katunayan, may mga pinadalhan na sila ng show cause order sa mga nagtitinda ng asukal at inaalam na rin ang mga supplier ng mga ito.

Aminado naman ang opisyal na kulang ang suplay ng asukal sa kasalukuyan kung saan aabot lang sa 141 metric tons ang stocks balance o mas mababa ng 33.41 percent noong nakalipas na taon.

Maliban sa kulang ang suplay, mataas din aniya ang halaga ng produksyon sa asukal kung saan petrolyo ang ginagamit sa paggawa ng asukal.

Facebook Comments