Inamin ng Immigration sa deliberasyon ng budget sa Senado na hindi pa rin nila matukoy kung ano ang sinakyan ni dating Bamban Mayor Alice Guo para makalabas ng bansa.
Sinabi ni Senate Committee on Finance Chairperson Grace Poe na siyang nagdepensa ng budget ng Immigration, na ang natukoy pa lamang ay nakapasok ng Malaysia ang dating Mayor sa pamamagitan ng Kuala Lumpur International Airport at kasalukuyan pang nakipag-uugnayan ang ating bansa sa Malaysian Immigration para malaman kung anong eroplano ang sinakyan ni Guo.
Iginiit naman dito ni Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada na mahalagang malaman ito upang matapalan ang mga butas sa mga patakaran sa airports at hindi na maulit ang mga kahalintulad na pagtakas ng mga may pananagutan sa batas.
Samantala, inilahad naman ng Philippine National Police (PNP) na walang pulis at politiko na tumulong kay Guo para makatakas ng bansa noong Hulyo.
Sinabi ni Senator Francis Tolentino na siyang dumipensa sa budget ng Department of the Interior and Local Government (DILG), na nagsagawa ng sariling imbestigasyon ang PNP patungkol sa naging pagtakas ni Guo.
Kanilang natiyak sa ikinasang imbestigasyon na walang pulis at walang pulitiko ang tumulong sa dating alkalde.