Manila, Philippines – Nangunguna ang Land Transportation Office (LTO) at Social Security System (SSS) sa mga ahensiya ng gobyerno na may pinakamaraming reklamong nakuha sa bayan hotline na 8888 ng Civil Service Commission.
Bukod sa SSS at LTO, madalas ding ireklamo ang Department of Foreign Affairs, Home Development Mutual Fund, Bureau of Internal Revenue, Land Registration Authority, Government Service Insurance System, Philippine National Police, at Philippine Postal Corporation.
Ilan sa madalas na reklamo ay ang mabagal na proseso, hindi maayos na pagharap ng government employee, hindi maayos na pasilidad, at fixers.
Ayon kay CSC Commissioner Robert Martinez, mas marami talaga ang natatanggap na report sa mga opisinang mas maraming sineserbisyuhan gaya ng LTO at SSS.
Sa kabila nito, may mga pagbabago na aniyang nakikita at bumubuti na ang serbisyo ng mga ahensiya ng gobyerno.
Paliwanag ni CSC Chairperson Alicia Rosa-Bala, malaking tulong ang hotline 8888 dahil naiwawasto ang mali sa pamamagitan ng pagsusumbong ng publiko.
Aniya, mula 87 percent response rate, 95 percent na ng mga tinawagan ang naaksiyunan ng mga ahensiya.
Tiniyak naman ng CSC na pinarerepaso na nila sa mga ahensiya ang dapat gawin para makatupad sa anti-red tape act.