SSS, humingi ng sa mga miyembro ng pang-unawa hinggil sa dagdag kontribusyon

Muling iginiit ng Social Security System (SSS) na ang contribution hike ay mahalaga para matiyak na nagpapatuloy ang paghahatid ng serbisyo at mga benepisyo sa mga miyembro nito at iba pang benepisyaryo.

Ito ang iginiit ng state-run pension fund sa harap ng mga panawagang ipagpaliban ang nakatakdang dagdag kontribusyon sa mga miyembro nito.

Ayon kay SSS President and CEO Aurora Ignacio, naiintindihan nila ang hinaing ng mga employers at mga miyembro.


Pero tungkulin din nilang tiyaking tatagal ang pondo ng SSS para sa mga miyembro nito at sa mga benepisyaryo nito.

Matatandaang itinaas ng SSS ang buwanang kontribusyon sa 13% mula sa dating 12% sa ilalim ng Republic Act No. 11199 o Social Security Act of 2018.

Nagpatupad din ng adjustment sa Minimum Salary Credit (MSC) sa ₱3,000 mula sa dating ₱2,000 maliban sa mga kasambahay at OFW na may minimum MSC ay mananatili sa ₱1,000 at ₱8,000 at maximum MSC mula ₱20,000 hanggang ₱25,000.

Sinabi ni Ignacio na ang repormang ito ay nakadisensyo para protektahan ang pondo ng SSS at mas makakapag-impok ang mga miyembro para sa kanilang retirement.

Pero iginiit ni Ignacio na manganganib ang fund life ng SSS kapag naantala sa pagpapatupad ng mga reporma at maaapektuhan ang kakayahan nito sa pagbibigay ng benepisyo at pribilehiyo lalo na ngayong pandemya.

Gayumpaman, handa ang SSS na sumunod sa Malacañang sakaling may kautusang ipagpaliban ang pagpapatupad ng dagdag kontribusyon.

Facebook Comments