Inanunsyo ng Social Security System (SSS) na maaari nang mag-update ng contact information online ang mga miyembro matapos ibalik ng ahensiya ang online updating ng rekords sa My.SSS portal.
Sa isang pahayag, sinabi ni SSS President at Chief Executive Officer Michael Regino na ang mga miyembrong mayroong My.SSS account ay maaari nang mag-update o magpalit ng kanilang contact details tulad ng numero sa telepono, mobile number, mailing address, foreign address at e-mail address, nang hindi na kailangan magpunta pa sa anumang sangay ng SSS upang magsumite ng member data change request.
Sa mga wala pang contact information maliban sa kanilang mobile number, maaari na rin silang mag-update ng kanilang contact details.
Samantala, kung wala namang rehistradong mobile number ang miyembro sa SSS, kinakailangan niyang magsadya sa anumang sangay ng SSS para i-sumite ang kanilang mobile number sa pamamagitan ng Member Data Change Request Form at mag-set ng appointment sa pamamagitan ng kanilang My.SSS account, o kaya naman mag-walk in na lamang batay sa number coding scheme.
Siguraduhin lamang na sunding ang schedule batay sa huling numero ng SSS number.
Pansamantalang sinuspinde ng SSS ang online updating ng contact details sa My.SSS noong August 3, 2021 upang bigyang daan ang pagpapahusay ng online portal at mapalakas ang security features nito para maprotektahan ang mga kumpidesyal na impormasyon ng mga miyembro.
Ibinalik ang online updating ng contact details ng mga miyembro upang mabigyan sila ng mas maginhawa at mas ligtas na paraan para mag-update ng kanilang SSS records.