Nagbabala ang Social Security System (SSS) sa mga miyembro nito laban sa mga social media accounts o pages na nag-aalok ng online assistance at humihingi ng fees kapalit ng pag-aasikaso ng kanilang pension fund transactions.
Sa statement, nagpaalala ang SSS sa mga miyembro na maging manapuri at mag-ingat sa mga ‘online fixers’ na nagde-demand ng bayad para sa pagbuo ng SSS account, paghahain ng benefits at pag-aasikaso ng agarang paglalabas ng loan applications at retirement benefits.
“Members must be vigilant in protecting their SSS accounts from these unscrupulous individuals and ensure that all online applications and transactions are to be made only through their My.SSS online accounts which can be accessed via the SSS official website at sss.gov.ph and SSS Mobile App,” sabi ng SSS.
Ayon sa SSS, ang online fixers ay mapapanagot dahil sa paghingi ng confidential information at pera mula sa mga miyembro at pensioners.
Maaari silang pagmultahin ng ₱5,000 o makulong ng hindi hihigit sa anim na buwan hanggang isang taon depende sa magiging desisyon ng korte para sa paglabag ng Section 17 ng Republic Act 11199 o ang Social Security Act of 2018.
Paalala pa ng SSS, na ang paggamit ng online fixers ay paglabag sa Republic Act 11032 o Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018.
Hinimok ng SSS ang mga miyembro nito at pensioners na isumbong ang anumang kahina-hinalang online fraud at aktibidad ng mga online fixers sa pamamagitan ng pagpapadala sa e-mail sa SSS Special Investigation Department sa fid@sss.gov.ph o direktang magpadala ng mensahe sa kanilang social media accounts.