Nagkasa ang Social Security System (SSS) ng Run After Contribution Evaders (RACE) activity ngayong araw sa lungsod ng Maynila.
Ito’y para padalhan o magsilbi ng notice sa mga pasaway na employer na hindi naghuhulog o wala sa tama ang nahuhulog ng kontribusyon ng kanilang mga trabahador.
Nasa sampung employer ang pinuntahan ng mga tauhan ng SSS West Division para pagsilbihan ng nasabing notice.
Pinangunahan ito nina Fernan Nicolas ang Vice President-NCR North Public Affair, acting Senior VP for NCR Operations Group Maria Rita Aguja at VP National Capital Region, West VP Luzminda Limcauco.
Layunin ng aktibidad ng SSS na himukin ang employers na ito na i-avail ang condonation program at ayusin o bayaran ang kanilang penalty.
Ito ang kauna-unahang Run After Contribution Evaders (RACE) na ikinasa ng SSS sa NCR kung saan nasa halos 2,000 delinquent employer ang kanilang hahabulin sa West Division hindi lamang sa lungsod ng Maynila maging sa Pasay.
Sakali naman na walang employer na mag-comply o sa simula lamang naghulog o nakapagbayad, muli silang padadalhan ng notice.
Kung wala naman nangyari o pagbabago, kakasuhan ng SSS ng kriminal ang mga pasaway na employers pero hinihimok nila ang mga ito na kung maari ay i-avail ang condonation program para hindi na mauwi sa magkaroon ng problema ang kanilang kompanya.