SSS, naglabas ng guidelines sa revised Calamity Loan Program nito sa harap ng pananalasa ng mga bagyo na pinalakas ng habagat

Naglabas ang Social Security System (SSS) ng guidelines sa bagong patakaran para sa Calamity Loan Program (CLP) bilang suporta sa mga miyembrong naapektuhan ng mga kalamidad gaya ng Bagyong Crising.

Mula sa dating 10%, ibinaba na sa 7% kada taon ang interest rate para sa calamity loan para sa mga miyembrong may malinis na credit record.

Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na babaan ang interes para sa salary at calamity loans.

Maliban dito, maaari nang mag-renew ng nasabing loan makalipas ang anim na buwan, kung hindi pa overdue ang naunang utang.

Pinaluwag din ang proseso kung saan ma-a-activate na ito sa loob ng pitong araw na mas mabilis kumpara sa dating halos isang buwan.

Ilan sa pangunahing detalye ng revised CLP:
• Loanable amount: Katumbas ng 1 Monthly Salary Credit (MSC), hanggang P20,000
• Repayment term: 24 buwan o 2 taon
• Service fee: 1% ng halagang uutangin
• Penalty: 1% kada buwan kung maantala ang bayad
• Filing: Online sa My.SSS o SSS Mobile App
• Release: Sa pamamagitan ng UMID-ATM o PESONet-enrolled bank account
• Eligibility: May hindi bababa sa 36 hulog, rehistrado sa My.SSS, walang overdue loans, at edad 65 pababa
• Tinatayang nasa P20 bilyon ang inilaang pondo ng SSS ngayong taon para sa CLP, matapos maglabas ng halos P10 bilyon noong 2024 para sa higit 560,000 miyembro.

Layon ng bagong patakaran na mapabilis at mapadali ang pagkuha ng tulong-pinansyal sa panahon ng sakuna.

Facebook Comments