Inumpisahan na ng Social Security System (SSS) ang pagpapatupad ng dagdag kontribusyon sa mga miyembro nito kahit matindi ang pagkontra dito ng publiko.
Sa pagdinig ng House Committee on Public Accounts, inamin ni SSS President and CEO Aurora Ignacio na sinimulan na nilang ipatupad ang contribution hike mula pa nitong Enero.
Aniya, wala pa silang natatanggap na anumang mandato na ihinto ito.
Pero paliwanag ni Ignacio, ang rate hikes ay popondohan ang tatlong karagdagang benepisyong ipinatutupad – ito ay ang 1,000 additional monthly benefit allowance, expanded 105-day maternity benefit at ang unemployment insurance benefits.
Kapag naantala ang reporma, mapapalala lamang nito ang financial position ng SSS, kung saan aabot sa 41.37 billion pesos ang mawawala ngayong taon.
Pinatitiyak naman ni Committee Chairperson Probinsyano Ako Partylist Representative Jose ‘Bonito’ Singson Jr., dapat matiyak ng SSS na matatanggap ng mga miyembro nito ang mga benepisyo.
Ang Komite ay maaaring magprisenta ng mga amendments sa mga batas para magarantiya na mayroong balanse sa pagitan ng kapakanan ng mga miyembro habang mapapanatili ang pondo ng SSS.
Pinaaalahanan din ng mambabatas ang SSS na patuloy na itaguyod ang commitment nito sa pagpapatupad ng reforma, partikular ang maayos na loan repayments at koleksyon ng management contributions.
Dagdag pa ni Singson, mahalaga ang magkaroon ng management sa investment funds.
Matatandaang lusot na sa pinal na pagbasa sa Kamara ang panukalang batas na nagbibigay kay Pangulong Rodrigo Duterte ng awtoridad na suspindehin ang contribution hike.