Umaasa ang Social Security System (SSS) na sa unti-unti nitong paglipat sa digitalization ay tataas ang kanilang collection efficiency ngayong taon.
Sa pagdinig ng Kamara, sinabi ni SSS President and CEO Aurora Ignacio, inumpisahan na nila noong nakaraang taon ang real-time processing ng loans, kung saan ito ang kanilang nakikitang solusyon sa problema sa outstanding membership loan na P78 billion at problema sa overpayment ng loans.
Dahil aniya sa unti-unting paglipat ng SSS sa automation ay tumaas ng 10% ang kanilang collection efficiency noong 2020 at inaasahang tataas pa ito sa 15% ngayong 2021.
Pero paglilinaw ni Ignacio, karamihan sa mga overpayment ng membership loan ay dahil nagkakaproblema minsan sa paglipat ng isang myembro sa ibang kompanya kung saan hindi na-i-re-record ng wasto ang kanilang obligasyon sa SSS.
Tiniyak naman ng SSS sa Kamara na sisikapin pa rin ng ahensya na maibigay ang mga benepisyo na nararapat sa mga myembro nito tulad ng benefit allowance para sa mga pensioners, expanded maternity benefits, at unemployment insurance benefits.
Pero, aminado rin si Ignacio na hindi kakayanin ng SSS na pahabain pa ang buhay ng pondo ng ahensya lalo na kung magiging batas ang panukala na magbibigay sa Pangulo ng kapangyarihan na ipagpaliban ang nakatakda sanang pagtataas ng premium contribution ngayong taon.