Sta Cruz. Maynila, nabulabog sa mga kahina hinalang kahon

Manila, Philippines – Nabulabog at mistulang napagtripan lamang ang mga residente sa Old Antipolo St, Brgy 356 Sta Cruz Maynila matapos na lumitaw na basura lamang ang laman ng dalawang kahina hinalang kahon.

Matapos magsagawa ng standard operating procedures ang mga operatiba ng bomb squad ng Manila Police District, nag negatibo sa bomba ang kahon na naglalaman ng mga plastic ng basura at bote.

Bahagyang nagdulot ng tensyon sa mga residente ang dalawang kahon dahil nakabalot ito ng packaging tape at iniwan sa gilid ng kanal malapit sa riles.


Ayon kay Chairman Marvin Corpuz ng Brgy 356, may nakita silang isang sasakyang ilang beses na pabalik-balik dito sa lugar na posibleng nagbaba ng nasabing kahon ngunit hindi nila nakuha ang plate number nito.

Lalo pang nagduda ang mga taga-baranggay at tumawag na sila sa awtoridad dahil sa sangsang ng amoy na unang inakala pang katawan ng tao.

Balik na sa normal ang sitwasyon sa lugar at pinapayuhan pa rin ng awtoridad ang publiko na ireport agad ang mga ganitong uri ng kahina-hinalang bagay.
DZXL558, Mike Goyagoy

Facebook Comments