Pinasisimulan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang konstruksiyon ng Stage 2 ng Integrated Disaster Risk Reduction and Climate Change Adaptation (IDRR-CCA) Project sa Pampanga.
Utos ito ng pangulo sa inagurasyon ng Stage 1 ng IDRR-CCA sa Masantol, Pampanga kahapon.
Ayon sa pangulo, kailangan nang matapos ang proyekto para maibsan na ang nararanasang malawakang pagbaha sa mga bayan ng Macabebe, Masantol, Minalin, Sto.Tomas at Apalit, lalo na tuwing tag-ulan
Nakaapekto rin kasi aniya sa pagtaas ng baha ang pagputok ng bulkang Pinatubo noong 1991 kung saan bumara ang mga abo at lahar sa mga ilog at waterways.
Dahil dito, oras na matapos daw ang proyekto ay magiging ganap na ang proteksiyon ng mga taga-Pampanga na nakatira sa mga mababang lugar.
Ibinida rin ng pangulo na dahil sa Stage 1 IDRR-CCA ay mas mabilis nang huhupa ang baha sa mga nabanggit na lugar sa 17 days mula sa 66 days na pagtitiis ng mga residente sa baha.
Pinasalamatan naman ni Pangulong Marcos ang Korean government para sa pagpondo sa proyekto.