Positibo ang pananaw ng isang security analyst sa plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na pulungin ang mga dating presidente ng bansa hinggil sa isyu sa West Philippine Sea.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Prof. Rommel Banlaoi, Director ng Center For Intelligence and National Security Studies na makakatulong ang pakikipag-usap ng Pangulo sa mga dating presidente para makabuo ang bansa ng iisang posisyon sa usapin.
Pero bukod sa mga dating pangulo ng bansa, dapat din niyang kausapin ang lahat ng mga stakeholders mula sa gobyerno at civil society.
“Kinakailangan talaga na ma-convene po yan para magkaroon ng national decision when it comes to our position sa West Philippine Sea para naman maipakita natin na meron tayong nagkakaisang posisyon d’yan,” paliwanag ng security analyst.
“Importante rin na bukod sa pagko-convene sa mga past president ay ma-convene din yung participation ng lahat ng stakeholders from the government and even civil society,” dagdag niya.
Duda naman si Banlaoi na magsisisihan lang ang mga dating presidente ukol sa usapin ng West Philippine Sea oras na maisagawa ang pulong.
“Ang tunay na problema talaga ay hindi yung mga past administration or yung current administration, ang problema talaga ay yung patuloy na assertion ng China na yung teritoryo na dapat ay sa atin ay sa kanila,” ani Banlaoi.
“Pero sa tingin ko rin ay isa rin sa solusyon ang China. So, kailangan din nating malutas yung problemang kinakaharap natin sa tulong din ng China.”