Nagkaroon ng konting pagtatalo sina Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at isang stall owner sa 168 Mall kaugnay sa pagpapatupad ng minimum wage para sa mga trabahador nila.
Sa ulat ng Manila Public Information Office (MPIO), iginiit ng isang negosyante na hindi dapat taasan ang sahod ng mga tindera doon.
Katwiran pa niya, mataas ang renta sa establisyimento na umaabot sa P60,000 kada buwan.
“Sana mayor ay mainitindihan nyo kami. Karamihan po sa aming mga tindera ay maghapon nag-cecellphone. Tapos po magbabayad kami ng minimum para sa walang kakwenta-kwenta?” depensa ng stall owner.
Nagpantig ang tenga ng alkalde sa palusot ng negosyante.
“Is it the fault of the mayor? Bakit kayo nagha-hire ng empleyadong batugan? You keep on complaining about your employees using their cellphones, wala na ba kayong ibang excuse?” ani Moreno.
Buwelta pa niya, sibakin ang mga inirereklamong empleyado na walang ginagawa.
Kasalukuyang nasa P537 ang minimum wage sa National Capital Region (NCR) matapos ipatupad ang P25 umento sa sahod noong Nobyembre 2018.
Pero sa pagsisiyasat ng pamahalaang lungsod, lumalabas na nilalabag ng ilang may-ari ang batas dahil sa pasahod na P300 kasa araw.
“Under the law, under the Wage Board and DOLE, there is a declared specific standard minimum wage for the private sector to follow,” paliwanag ni ‘Yorme’.
Muling pinaalala ni Moreno na maapektuhan ang negosyo ng sinumang hindi susunod sa pagbibigay ng karampatang sahod sa bawat empleyado sa siyudad.