STALL SA BAHAGI NG MANGALDAN PLAZA, NINAKAWAN

Nakakalat at nakatiwangwang na mga natirang paninda ang naabutan sa isang stall sa bahagi ng Mangaldan Plaza matapos itong manakawan.

Ayon kay Nanay Pelly, nanay ng may-ari ng stall at tumutulong rin sa pagtitinda, galing sa hirap ng kanyang anak ang puhunan sa mga paninda.

Masakit sa kanila ang insidente dahil malaking tulong sana ang kikitain, lalo’t buntis pa ang may-ari ng stall.

Sa imbestigasyon ng pulisya, hinihinalang mga menor de edad ang nagnakaw sa nasabing pwesto.

Bagamat hindi na nagreport pa sa pulisya ang may-ari ng stall, nagsagawa pa rin ng imbestigasyon ang awtoridad upang mapalakas ang seguridad sa loob at labas ng plaza.

Ayon sa pulisya, malayo rin ang nasabing stall sa mismong pwesto ng bazaar kung saan may nakatalagang security na nagbabantay.

Iginiit rin ang ipinatutupad na curfew hours para sa mga menor de edad mula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw upang matiyak na hindi sila masasangkot sa anumang uri ng krimen o kaguluhan sa bayan.

Facebook Comments