Pinapayagan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga standing passengers sa loob ng ilang Public Utility Vehicle (PUV) na bumibiyahe sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1.
Base sa inilabas na Memorandum Circular ng LTFRB, tanging sa mga Public Utility Bus (PUB) at Modern Public Utility Jeepney (MPUJ) Class 2 ang papayagan na magkaroon ng pasaherong nakatayo.
Para sa Low-Entry/Low Floor PUB papayagan ang 15 ang maximum na standing passenger na may one-person apart ang pagitan.
Para sa Coach-type PUB, sampung maximum na standing passenger ang papayagan na may one-person apart ang pagitan.
Sa MPUJ Class 2 – nasa lima (5) ang maximum na standing passenger ang papayagan, one-person apart ang pagitan.
Alinsunod na rin ito sa utos ng Department of Transportation (DOTr) upang magamit nang husto ang mga espasyo sa mga sumusunod na pampublikong sasakyan nang hindi labag sa public health safety protocols.
Sa kabila niyan, istriko pa rin ang pagpapatupad ng minimum public health safety protocols upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Pinapaalala ng LTFRB sa mga PUV driver at operator na laging sundin ang mga alituntunin ng ahensya.
Ang sinumang mahuling lumalabag sa mga ito ay papatawan ng karampatang parusa alinsunod sa mga kondisyon ng kanilang Certificate of Public Convenience (CPC) at sa Joint Administrative Order.