Sa budget hearing ng Senado ukol sa proposed 2022 budget ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay diretsahang itinanong ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan kung ang Financial Service Provider o FSP o FSP na Starpay ay katulad ng Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Ang Starpay ang ginamit sa pamamahagi ng Social Amelioration Program o SAP.
Sabi ni Pangilinan, kahit lugi ang Starpay na nagdeklara ng negative P26 million na income noong 2019 ay 52 billion pesos ang inilaang pondo dito para sa ayuda ng 6-7 milyong benepisyaryo.
Sa tingin naman ni Senator Manny Pacquiao, posibleng higit pa sa Pharmally ang Starpay at sa kanyang video presentation sa budget hearing ay tinukoy ang board of directors nito na sina Joey Uy, Ulysses Lao, Armando Cajayon Jr., Lamberto Scarella at Philip Co.
Binanggit din ni Pacquiao na 2018 lamang nakakuha ng lisensya ang Starpay para mag-operate bilang electronic money issuer.
Sa video ay binanggit din ang kaltas na P50 sa ayuda para sa service charge na kung kukwentahin sa 5 milyong benepisyaryo ay aabot sa P250-million pesos.
Ibinunyag pa sa presentation ni Pacquiao na nasa 1.3 milyong benepisyaryo ang hindi tumanggap ng ayuda at ang pondo rito na 8 bilyong piso ay idineposito sa isang pribadong bangko.
Bunsod nito ay nais malaman ni Pacquiao kung saan napunta ang itinubo na pera na natengga sa isang pribadong bangko.
Diin naman ni DSWD Sec. Rolando Bautista, katuwang nila ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa lahat ng kanilang hakbang at pasya sa pagpili ng FSP.
Diin pa ni Bautista, marami sa mga benepisyaryo ng SAP ang walang cellphone numbers o hindi gumagana ang numero kaya pinili nila ang Starpay para sa offline distribution ng ayuda.