State of calamity, planong ipatupad sa Valencia City, Bukidnon, matapos ang malawakang pagbaha

Tinitingnan ngayon ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) sa Valencia na magrekomenda sa Sangguniang Panglungsod (SP) na ipatupad ang state of calamity matapos ang malawakang pagbaha.

Ito ang pinahayag ni June Ray Valero, CDRRMO chief sa Valencia, sa panayam ng RMN Malaybalay at 95.3 iFM News Bukidnon.

Wala pang natumbok na numero ang opisyal hinggil sa pangkalahatang danyos dahil patuloy pa ang isinasagawang assessment ng tanggapan.

Patuloy rin ang isinasagawang retrieval operation para sa apat pang indibidwal na nawawala, kasama na ang isang apat na taong gulang na batang lalaki at dalawang taong gulang na batang babae.

Una nang natagpuan kahapon ang nawawalang apat na indibidwal, kabilang na ang isang guro, isang 27-anyos na babae, isang 13-anyos na batang lalaki, at isang 17-anyos na babae.

Aabot naman sa 35 kabahayan ang nawasak at halos 400 pamilya sumatotal ang inilikas.

Mamayang hapon, aasahan ang isasagawang special session ng SP-Valencia City para sa pagdeklara ng state of calamity.

Facebook Comments