Aklan – Nagpatupad na ng price freeze ang Department of Trade and Industry (DTI) sa tatlong barangay sa Boracay kasunod ng pagdedeklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ng state of calamity dahil sa gagawing rehabilistasyon sa isla.
Kabilang sa mga apektado ng price freeze ang mga barangay ng Balabag, Manoc-Manoc, at Yapa sa bayan ng Malay, alinsunod sa Proclamation Number 475 na nilagdaan ni Pangulong Duterte.
Ayon kay DTI Assistant Director Lilian Salonga, awtomatikong isinasailalim sa price freeze ang mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity.
Epektibo ang price freeze sa loob ng 60 araw para sa mga pangunahing bilihin, habang 15 araw naman para sa LPG at kerosene.
Kabilang sa mga itinuturing na pangunahing bilihin ay mga bigas, mais, tinapay, gulay, at prutas.
Sa ilalim ng proclamation number 475, mananatili ang tatlong barangay ng Boracay sa state of calamity hanggang alisin ito mismo ng Pangulo.