
Pinirmahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act 12287 o Declaration of State of Imminent Disaster Act na nagbibigay kapangyarihan sa gobyerno na magdeklara ng “imminent disaster” kahit hindi pa tumatama ang kalamidad.
Sa ilalim ng bagong batas, pwede nang isagawa ang maagap na evacuation, mabilis na tulong, at may sigurado ng pondo sa mga maapektuhaan ng sakuna.
Maaari itong ideklara ng pangulo batay sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), o mismong mga mayor at gobernador batay sa payo ng Regional DRRM councils.
Gagawing batayan ang pre-disaster risk assessment kung saan titingnan ang lawak ng posibleng pinsala at tatlong araw na lead time bago ang inaasahang epekto.
Sa sandaling ideklara, awtomatikong bubuhos ang pondo at puwersa ng gobyerno, mula relief goods, public advisories, forced evacuation, mobilisasyon ng mga response teams, hanggang social amelioration para sa mahihirap at contingency plans para hindi maipit ang suplay ng pagkain at agrikultura.
Awtomatiko ring tatanggalin ang deklarasyon kapag natukoy na hindi tumama ang sakuna.
Obligado rin ang mga local governmnent unit (LGU) na isama sa kanilang plano ang anticipatory action measures gamit ang pondo sa DRRM.
Inaatasan naman ang NDRRMC na ilatag ang malinaw na panuntunan at operational guidelines sa loob ng 60 araw.









