Mananatili ang Pilipinas sa ilalim ng state of calamity hanggang September 12, 2021 habang patuloy na nilalabanan ng bansa ang COVID-19 pandemic.
Sa ilalim ng Proclamation No. 1021, pinalalawig ni Pangulong Rodrigo Duterte ang calamity declaration ng isang taon kung saan pinakikilos ang lahat ng government agencies at Local Government Units (LGU) na ipatupad ang mga hakbang laban sa COVID-19.
Ang pulisya at militar ay inaatasang panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa lahat ng apektadong lugar.
Nakasaad sa proklamasyon na magagamit ang mga kinakailangang pondo kabilang ang Quick Response Fund (QRF) para sa disaster preparedness at response efforts, at mahigpit na babantayan ang presyo ng mga basic necessities at prime commodities, at pagbibigay ng basic services sa mga apektadong populasyon.
Nabatid na ipinatupad ni Pangulong Duterte ang anim na buwang state of calamity nitong Marso para gamitin ang government resources para protektahan ang kalusugan ng publiko mula sa pandemya.