State-sponsored agricultural smuggling, mas tumindi pa sa unang taon ng Marcos administration – Sen. Hontiveros

Iginiit ni Senator Risa Hontiveros na mas lumala ang ‘state-sponsored agricultural smuggling’ sa bansa sa ilalim ng unang taon ng administrasyong Marcos.

Ito ang reaksyon ng senadora sa gitna na rin ng ibinabang direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos sa Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng crackdown sa agricultural smugglers.

Ayon kay Hontiveros, matagal nang nangyayari ang state-sponsored smuggling subalit mas lumala pa ito ngayon.


Bago pa aniya ang direktiba ng pangulo ay nagsasagawa na ng imbestigasyon ang NBI at Philippine Competition Commission bukod pa sa pagsisiyasat ng Kamara sa onion hoarding.

Maging sa intelligence report ni Prof. Clarita Carlos bago siya nagbitiw bilang National Security Adviser, ay makikita na ang mga bagong personalidad na sangkot sa agricultural smuggling.

Sa kabilang banda, ang utos aniya ng pangulo sa Department of Justice (DOJ) at NBI ay para pa rin sa inisyal na pagsisiyasat kaya nakwestyon tuloy ng senador kung napag-iiwanan ba ang DA Secretary, kaya napag-iiwanan din ang sektor o patay-malisya na lamang ito.

Dahil dito, ang sektor ng agrikultura na sinasabi ng pangulo na napabayaan sa nakalipas na 30 taon ay patuloy pa ring hindi nabibigyan ng sapat na atensyon sa ilalim ng kanyang pamamahala.

Facebook Comments