Manila, Philippines – Aabot sa 35 bilateral agreements ang inaasahang malalagdaan kasabay ng pagbisita ni Chinese President Xi Jinping sa Manila bukas, November 20 para sa dalawang araw na state visit.
Ang mga kasunduan ay inaasahang pipirmahan nina Pangulong Rodrigo Duterte at President Xi sa Malacañang ng bukas ng hapon.
Ang detalye ng mga kasunduan ay bukas din ilalabas.
Alas-4:00 ng hapon bukas, inaasahang darating sa bansa ang Chinese President pagkatapos ng pagbisita nito sa Brunei Darussalam.
Lahat ng aktibidad sa unang araw ni President Xi ay gaganapin sa Palasyo kabilang na ang state dinner.
Inaasahang tatalakayin sa pagbisita ni President Xi ang pagpapalakas ng telecommunications sa bansa at pagpapabilis ng mga infrastructure projects na pinondohan ng China.
Inaanunsyo rin ng Chinese chief executive ang iba pang mga ‘regalo’ ng China para sa Pilipinas.