Status ng AFP Modernization, ipapasilip ng Kamara

Paiimbestigahan ni Parañaque Rep. Joy Tambunting ang status ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Modernization Program.

Ang pagkilos ng kongresista ay bunsod na rin ng C-130 military plane crash nitong Linggo na ikinasawi ng hindi bababa sa 50 katao.

Nakatakdang maghain si Tambunting ng resolusyon para sa pagpapatawag ng comprehensive fact-finding investigation kaugnay sa status ng AFP Modernization Program na siyang source ng pagpapaigting ng defense at security system ng bansa.


Para aniya hindi maulit ang kaparehong insidente sa hinaharap ay kailangang matiyak na sumailalim sa mabusising paraan ang procurement ng mga sasakyang binibili ng pamahalaan.

Tinukoy ni Tambunting na hindi lamang ito ang unang pagkakataon na nadisgrasya at bumagsak ang isang military aircraft ngayong taon.

Bukod sa C-130 military plane na bumagsak kamakailan lang ay nag-crash din ang Black Hawk helicopter sa Capas, Tarlac, gayundin ang iba pang naitalang pagbagsak ng military chopper sa Getafe, Bohol at sa Impasugong, Bukidnon.

Iginiit ng kongresista na dapat pangunahing ikonsidera ng hukbong sandatahan ang buhay ng mga sundalo na palaging iniaalay ang buhay para maprotektahan ang interes at mapanatili kapayapaan sa bansa.

Facebook Comments