Stay-at-home na misis, pinabibigyan ng kompensasyon ng isang kongresista

Pinabibigyan ni House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda ng ₱2,000 na buwanang kompensasyon ang mga “stay-at-home” na misis.

Nakapaloob ito sa House Bill 668 o panukalang “Housewives Compensation Act” na inihain ni Salceda na layuning kilalanin ang trabaho ng stay-at-home na mga nanay bilang “valuable economic activity,” at bigyang-pansin ang kontribusyon nila sa “nation building.”

Sa panukala ni Salceda ay binibigyang diin na ang bawat ginagawa ng mga ina ay itinuturing na “social reproductive work.”


Halimbawa nito ang pag-aalaga sa mga bata, paghahatid sa mga anak sa paaralan at pagtulong sa mga asignatura, pagba-budget, pamimili at pagluluto, at iba pang gawain para sa kani-kanilang pamilya.

Sakop ng panukala ang lahat ng housewives na ang economic status ng pamilya ay mababa sa “poverty threshold,” gayundin ang mga misis na “full-time,” at mga asawa na walang part-time o home-based na trabaho.

Kapag naging batas, ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang maglalabas ng kompensasyon nang may koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan.

Facebook Comments