Stay-at-home rule para sa mga senior citizen, valid exercise ng police power, ayon sa Malacañang

Kumpiyansa ang Malacañang na hindi uusad ang petisyong hinihiling sa Korte Suprema na ihinto ang pagpapatupad ng stay-at-home rule para sa mga senior citizens sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ipinapatupad lamang ng estado ang “police power” para maprotektahan ang kalusugan ang publiko lalo na ng mga senior citizens na vulnerable sa sakit.

“Itong kaso po bagamat hindi natin pinangungunahan ang Supreme Court, tingin ko walang mangyayari diyan dahil isa sa acknowledged powers of the state is police power at ang basehan ng pag-exericse ng police power ay yung pangalagaan mismo ang kalusugan ng mga seniors,” sabi ni Roque.


Paliwanag ni Roque, ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) ay hinihigpitan ang paglalabas ng mga senior citizen sa kanilang mga bahay maliban na lamang kung essential activities ito.

“Naninindigan ang IATF na ang prohibition sa mga galaw ng seniors is borne by science and medicine. Sa buong daigdig, ang mga tinatamaan at namamatay sa COVID-19 ay mga seniors at meron comorbidities and that’s scientific fact,” ani Roque.

Sa ilalim ng quarantine protocols, ang mga may edad 20-anyos pababa at 61-anyos pataas at mga mayroong immunodeficiency, comorbidity o may ibang health risks, at mga buntis ay kailangang manatili sa loob ng kanilang bahay.

Facebook Comments