Pansamantalang sinuspinde ng Department of Tourism (DOT) ang operasyon ng staycations sa mga hotel na sakop ng National Capital Region (NCR) Plus ngayong Holy Week.
Kasunod na rin ito ng pagsasailalim sa Metro Manila, Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) simula bukas, March 29 hanggang sa Linggo, April 4.
Sakop ng interim operational guidelines na ipinadala ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat ang lahat ng DOT-accredited hotels, resorts, apartment hotels, motels at mga kaparehong establisyimento sa loob ng NCR Plus.
Pinasalamatan naman ni Puyat ang mga hotel sa pagpayag ng mga ito na magpa-rebook ang kanilang mga guest nang walang hinihinging penalty.
Samantala, ayon sa DOT, ang mga regular hotels sa ilalim ng ECQ at modified ECQ ay maaaring lang tumanggap ng mga guest na may long-term leases, locally stranded individuals at Authorized Persons Outside of Residence (APOR) basta’t may kinalaman sa kanilang official duties.
Sa kategorya ng DOT, ang regular hotels ay mga hotels na hindi ginagamit bilang isolation o quarantine facilities pero may Certificate of Authority to Operate for Staycation.
Hinikayat ng kagawaran ang mga nasabing establisyimento na mahigpit na ipatupad ang minimum health and safety protocols para makaiwas sa multa, suspensyon at kanselasyon ng kanilang accreditation.