Magpapatuloy ang operasyon ng Small Town Lottery (STL) sa Bayan ng Binmaley, Pangasinan, kahit pa huminto na ang operasyon nito sa ilang karatig-bayan. Ayon kay Mayor Pedro Merrera III, pinahihintulutan ang pagpapatuloy ng STL hangga’t ito ay naaayon sa batas at pinatatakbo ng lisensyadong operator na may balidong kontrata at basbas ng Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO.
Ipinaliwanag ng alkalde na may prerogative ang bawat LGU na pahintulutan o ihinto ang operasyon ng STL batay sa kanilang sariling assessment at obserbasyon, kung ang nasabing aktibidad ay nakakatulong o nakakasira sa kaayusan at kapakanan ng kanilang lugar.
Nilinaw rin ni Mayor Merrera ang gampanin ng PCSO at ng LGU sa pagpapatakbo ng STL, kung saan ang PCSO ang may mandato sa pag lisensya at regulasyon ng mga operator, habang ang LGU naman ang responsable sa lokal na monitoring at pagpapanatili ng kaayusan.
Dagdag pa ng alkalde, patuloy nilang imo-monitor ang aktibidad ng STL sa Binmaley at magsasagawa ng masusing pagsusuri bago magpasya kung ipagpapatuloy o ihihinto ang operasyon nito sa hinaharap.
Facebook Comments








