Umapela si Iligan City Representative Frederick Siao sa Department of Social Work and Development (DSWD) na ipamahagi na lamang ang imbak na relief goods sa mga kababayang lubhang apektado ng COVID-19 pandemic.
Giit ni Siao, tapatan sana ng gobyerno ang pagtulong ng mga ordinaryong Pilipino katulad sa community pantries kaya dapat lamang na i-release na ngayon at maibigay na ang stockpile ng relief goods na nakatambak lamang sa warehouses.
Batay sa disaster response rules ng DSWD, mayroon silang 100,000 relief packs na nakaimbak sa national operations center habang sa field office warehouses naman ay may minimum na stockpile na 30,000 relief packs.
Samantala, ang National Food Authority (NFA) naman ay inoobliga na magtabi ng buffer stocks na sasapat sa 15 hanggang 30 araw.
Pero kung si Siao ang tatanungin ay dapat maipamahagi na aniya ito sa mga mahihirap, low income at middle income families na apektado ng pandemya.
Aniya, karamihan sa relief goods ay masirain o mayroong “expiry” o “best before” dates na kailangang maipamahagi agad upang hindi masayang.
Maaari pa rin naman aniyang ma-replenish o mapalitan ang relief packs sa April hanggang May na magagamit naman para sa mga kababayang magiging biktima ng bagyo.