Kasunod nang malagim na karambola ng sasakyan sa Katipunan Avenue, ikinasa ng Land Transportation Office (LTO) ang mas agresibong ‘road safety campaign’ na naglalayong bawasan ang mga aksidente sa kalsada sa bansa ng hindi bababa sa 35% pagsapit ng 2028.
Sinabi ni LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II na tututok ang adbokasiya sa information dissemination at mahigpit na pagpapatupad ng mga batas trapiko sa pakikipagtulungan ng mga local government unit (LGUs) at iba pang ahensya ng gobyerno.
Inatasan na ni Mendoza ang lahat ng mga tauhan ng LTO na i-maximize ang information dissemination sa paggamit ng social media na kabilang sa mga pinakapraktikal na paraan upang maabot ang maraming mga Pilipino.
Sa datos ng World Health Organization (WHO), humigit-kumulang 1.3-M tao ang namamatay sa mga aksidente sa kalsada sa buong mundo habang nasa pagitan ng 20-M hanggang 50-M ang nasugatan, kabilang ang mga pinsala na nagreresulta sa permanenteng kapansanan.
Sa Pilipinas, nasa average na 32 katao ang namamatay araw-araw bilang resulta ng mga aksidente sa kalsada, base sa datos ng United Nations (UN).