Ibinida ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang pagkaka aresto sa 61 indibidwal sa 3 araw nilang operasyon mula Abril 21 hanggang 23.
Ayon kay CIDG Director Police Brig. General Romeo Caramat, ito’y resulta ng 58 operasyon na isinagawa sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sa bilang na ito, 47 manhunt operations ang isinagawa laban sa wanted persons bilang bahagi ng OPLAN Pagtugis na nagresulta sa pagkakadakip ng 9 most wanted persons at 36 other wanted persons.
Samantala, sa kampanya kontra loose firearms o OPLAN Paglalansag Omega, apat na suspek ang nahuli sa 5 police operations at narekober ang apat na baril.
Sinabi pa ni Caramat na layon ng kanilang inilunsad na serye ng operasyon ang mapigilan ang mga ilegal na aktibidad upang maging mas ligtas ang mga pamayanan.
Matatandaang sinabi ni PNP chief PGen. Benjamin Acorda, sa kanyang assumption speech na paiigtingin niya ang kampanya laban sa kriminalidad upang maramdaman ng mga mamayan na ligtas sila sa kanilang komunidad alinsunod narin sa utos ng Pangulong Bongbong Marcos.