Street at sidewalk vendors, tutulungan ng DSWD

Handa ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tulungan ang mga nagtitinda sa kalsada o bangketa na matinding naaapektuhan ng pandemya.

Ayon kay DSWD Spokesperson Irene Dumlao, paiigtingin nila ang pagpapatupad ng Sustainable Livelihood Program (SLP).

Makikinabang sa programa ang mga mahihirap at mga vulnerable at marginalized communities.


“Ang DSWD katulong ng lokal na pamahalaan ay nakahandang tumulong sa mga mahihirap at bulnerableng sektor ng ating lipunan, kasama na po nga diyan ang ating mga street or sidewalk vendors,” sabi ni Dumlao sa isang radio interview.

Ang SLP ay isang capacity-building program na tumutulong sa mga benepisyaryo na makuha ang mga kinakailangang ‘assets’ para makapagsimula o mapanatili ang kanilang kabuhayan at maiangat ang kanilang socio-economic well-being.

Ang mga benepisyaryo ay binibigyan ng option na kumuha ng micro-enterprise development track o employment facilitation track.

Ang micro-enterprise development track ay nagbibigay ng seed capital assistance sa mga recipients para maipagpatuloy o palawakin ang kanilang negosyo.

Ang employment facilitation track naman ay layong bigyan ng access ang mga Pilipino sa mga oportunidad at trabaho.

Noong nakaraang taon, ang DSWD ay nakapagbigay ng livelihood support sa halos 8,000 pamilya na nagkakahalaga ng kabuuang ₱1.4 billion.

Facebook Comments