Street dweller, patay nang pagsasaksakin habang tulog sa Maynila; suspek, umaming gumanti matapos na magkasakitan

Duguan at wala nang buhay ang isang 32-anyos na lalaki matapos pagsasaksakin sa bahagi ng San Marcelino St., kanto ng T.M. Kalaw St., Ermita, Maynila pasado alas-10 ng gabi kagabi.

Kinilala ang biktima na si Romnick Callo Abion na isang street dweller.

Ayon sa barangay, natutulog ang biktima kasama ang pamilya nito nang biglang pagsasaksakin ng 35-anyos na isa ring street dweller na si alyas ‘Jason’.

Dagdag pa nito na sinubukan pang habulin ng biktima ang suspek ngunit dahil sa tinamong saksak sa dibdib ay bumulagta na ito sa bangketa na siyang ikinasawi nito.

Nagsumbong ang anak ng biktima sa mga awtoridad at agad na nagkasa ng operasyon.

Nahabol ng mga pulis ang suspek hanggang sa Paco Park dahilan ng pagkakaaresto nito.

Bago mangyari ang krimen, nagkaroon ng alitan ang biktima at si alyas ‘Jason’ dahilan para humantong ito sa pisikalan.

Narekober kay alyas ‘Jason’ ang gwantes na ginamit nito sa krimen habang nakuha naman ng mga operatiba ang kutsilyong ginamit sa plant box sa harap ng isang hotel malapit sa pinangyarihan ng krimen.

Depensa naman ng suspek, nagpapahinga siya nang umaga iyon nang bigla siyang sitahin ni Abion dahilan para makipagbuno ito at paluin siya ng tubo ng biktima.

Dahil dito, ibinenta niya ang kaniyang cellphone sa halagang isang libong piso at pinangbili ng kutsilyo at gwantes na kalaunan ginamit niya sa krimen.

Dagdag pa niya, hindi siya nagsisi sa nagawa nito sa biktima.

Isasailalim ang suspek sa inquest proceedings kung saan posibleng maharap siya sa kasong murder.

Facebook Comments