Structural integrity ng mga gusali, pinatitiyak ng OCD

FILE PHOTO

Pina-iimbentaryo ng Office of Civil Defense (OCD) sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan gayundin sa mga local government agencies ang mga establishemento na kailangang sumailalim sa retrofitting.

Ito ang binigyang diin ni OCD Administrator Usec. Ariel Nepomuceno kasunod na rin ng isinagawang symposium ngayong araw sa Kampo Aguinaldo sa bisperas ng 2nd Nationwide Simultaneous Earthquake Drill bukas, Hunyo 28.

Ayon kay Nepomuceno, mahalagang malaman kung kakayanin ng mga pampublikong gusali lalo na sa Greater Manila Area (GMA) gaya ng mga ospital, paaralan, mga tanggapan ng gobyerno gayundin ng mga lokal na pamahalaan, mga pribadong gusali at iba pa ang pagtama ng pinangangambahang “The Big One.”


Kasunod nito, umapela ang OCD sa Japan International Cooperation Agency (JICA) na tulungan ang Pilipinas sa pagpopondo para matapos ang ginagawang imbentaryo sa mga pampublikong gusali.

Iginiit din ni Nepomuceno na kailangang mahigpit ding maipatupad ang Building Code of the Philippines para sa mga itatayong gusali upang matiyak na handa nitong labanan ang malakas na pagyanig sakaling tumama ang magnitude 7.2 na lindol sa bansa.

Facebook Comments