Structural, organizational at cultural reform, dapat gawin ng gobyerno para solusyunan ang lumalalang problema sa mga kulungan sa bansa

Dapat na basagin ang malalaking kulungan sa bansa gaya ng New Bilibid Prison (NBP) upang masolusyunan ang problema sa pamamahala sa mga kulungan.

Ito ang iginiit ng criminology expert na si Prof. Raymund Narag ng Southern Illinois University Carbondale sa harap ng patuloy na ugnayan ng mga preso sa labas kung kaya’t nagpapatuloy din ang mga iligal na transaksyon kahit sa loob ng kulungan.

Paliwanag ni Narag, dahil sa mga problema gaya ng overcrowding, kakulangan sa mga jail officer at resources ay nakabubuo ng kultura ang mga inmate gaya ng “Mayores System” at VIP na nagsisilbi nilang coping mechanism.


Bagama’t bawal, hinahayaan ito upang hindi mag-collapse ang mga kulungan na maaaring magresulta ng mas malalang problema gaya ng riot at noise barage.

Ang Bilibid ay ang natitirang “super mega prison” sa buong mundo na may kapasidad lang na 6,000 pero 29,000 inmates ang nakakulong.

Dahil dito, aabot sa 200 hanggang 500 inmates ang tinututukan ng kada isang jail officer na nakapakalayo sa ideal ratio na 1 is to 7.

Bilang solusyon, sinabi ni Narag na dapat na maglatag ang gobyerno ng structural, organizational at cultural reforms.

“I-introduce natin yung small, manageable, regional prisons. Kasi super laki ng Bilibid e, kahit magtumbling-tumbling ang director, napakasipag at napaka-honest niya, lalamunin at lalamunin siya ng isang napakalaking problema. So, dapat basagin natin itong mga kulungan nating malalaki,” ani Narag.

“Ngayon, kinakailangang sabayan mo yung structural reforms ng isang organizational reforms. Unang-una, dapat maintindihan natin, bakit nakakagawa ng krimen ang mga Pilipino. Habang nakakulong sila, bigyan mo yan ng treatment intervention. Kung edukasyon [ang dahilan ng pagkakakulong] paaralin mo, kung may drug problem, drug treatment and at the same time dapat meron silang matinong housing placement,” paliwanag pa niya.

Facebook Comments