Student fare discount act, dapat tiyaking maipapatupad ng mahigpit

Ikinatuwa nina Senators Sonny Angara at Grace Poe ang paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Republic Act 11314 o ang Student Fare Discount Act.

Ayon kay Senator Poe, sa gitna ng kabi-kabilang bayarin ng pamilya, matrikula at iba pang gastusin sa eskwelahan, ay magiging kaluwagan ang dulot ng diskwento sa pamasahe sa mga estudyante.

Kaya naman pinapatiyak ni Poe sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno ang mahigpit na pagpapatupad sa nabanggit na batas.


Sabi naman ni Senator Angara, matagal ng hinihintay ng  mahigit ‪30 milyon na estudyante mula sa elementarya hanggang sa kolehiyo ang batas na ito na magbibigay sa kanila ng 20 porsyento na diskwento sa pamasahe.

Saklaw ng batas ang lahat ng uri ng transportasyon tulad ng jeep, bus, UV Express vans, taxi at TNVS, eroplano, barko at tren tulad sa MRT, LRT at PNR.

Hindi naman saklaw ng batas ang mga naka-enroll sa dancing o driving schools, short-term courses tulad ng seminar o post-graduate studies, gayundin ang mga kumukuha ng kursong medisina, abogasya, at doctorate degree.

Magiging exempted naman sa pagbayad ng P1,620 na travel tax ang may biyahe sa ibang bansa para mag aral, training o kaya para sa kompetisyon.

Facebook Comments