Inihahandog ni Senador Manuel Lito Lapid sa mga pamilyang Pinoy ang bagong batas na nilagdaan ni Pang. Bongbong Marcos na nagpapatupad ng moratorium sa pagbabayad ng mga utang sa pag-aaral ng mga estudyante sa panahon ng delubyo o kalamidad.
“Ang batas na ito ay handog natin sa ating mga estudyante at sa kanilang mga pamilya. Bahagi po ito ng mga batas na tutulong sa mga ating mga kababayan na naaapektuhan ng mga kalamidad. Layunin po ng batas na ito na bigyan ng kapanatagan ang mga pamilyang Pilipino na patuloy na mag-invest sa pag-aaral ng kanilang mga anak,” pahayag ni Lapid, awtor ng bagong batas.
Dagdag pa ni Lapid, handa siyang tumulong at bukas ang pintuan ng pamahalaan para sa mga kababayan nating naghihikahos sa buhay, lalo na ang pinadapa ng bawat kalamidad sa bansa.
“Narito po ang inyong gobyerno upang tulungan kayo kung sakaling mangailangan kayo dahil sa mga delubyong dumaraan sa ating bansa taun-taon. Tulong-tulong po tayo para sa magandang kinabukasan ng ating mga kabataan,”
Pinuri ni Lapid si President Ferdinand Marcos Jr. sa paglagda nito sa kanyang ‘pet bill’ na ganap na ngayong batas, ang Republic Act 12007 o ang Student Loan Payment Moratorium during Disasters or Emergencies Act.
“Nagpapasalamat po tayo sa Pangulong Bongbong Marcos sa pagsama sa panukalang ito sa mga nilagdaan at sa ating mga kasangga sa Kongreso. Maraming salamat po at mabuhay po kayo,” ayon kay Lapid.