Manila, Philippines – Tahasang tinawag ng National Union of Students of the Philippines na biased ang Commission on Higher Education sa interes ng mga pribadong institusyon na nagsisilbing balakid sa implementasyon ng Tertiary Education Subsidy at iba pang uri ng student loans.
Ginawa ng NUSP ang pahayag dahil sa atrasadong pag-iisyu sa implementing rules and regulations ng Free Education Law.
Dapat nito sanang March 5 ay naisumite na sa House Committee on Technical and Higher Education ng Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST) Board ang pinal na I-R-R ng Republic Act 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act.
Pero iginit ng UniFAST Board na kailangan pa ng panibagong pag-aaral bago ito ibigay sa komite.
Ayon kay NUSP Deputy Secretary General Raoul Manuel, ang CHED mismo ang gumagawa ng sarili nitong problema dahil mga komplikado nitong hakbang sa implementasyon ng libreng edukasyon sa bansa.
Matatandaan, una nang ipinangako ni CHED Officer-in-Charge Prospero de Vera na kakayanin nilang ilabas ang I-R-R ng Free Education Law noon pa sanang February 22.