Isinusulong sa Kamara na maisabatas ang programang “Study Now, Pay Later” na napapanahon ngayong COVID-19 pandemic.
Nakapaloob sa House Bill 10467 na inihain ni Magdalo PL Rep. Manuel Cabochan, ang pagtiyak ng access sa edukasyon para sa lahat sa pamamagitan ng pagkakaroon ng “Study Now, Pay Later Program” o SNPLP, sa pribado at pampublikong academic institutions.
Ang Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang bibigyang-mandato na ipatupad ang batas.
Inaatasan naman ang Development Bank of the Philippines (DBP) at Land Bank of the Philippines para sa disbursement ng “student loans” na laan para sa gastos at iba pang bayarin at tatanggap ng “discounting promisory notes.”
Aabot sa P1 billion ang inisyal na pondong kailangan para sa implementasyon ng programa, habang P100 million ang budget kada taon na isasama naman sa annual General Appropriations.
Sinasabing nang magkaroon ng COVID-19 pandemic ay mas lalong pinalala ng pandemya ang sitwasyon kung saan maraming mga mag-aaral ang hindi na muna ipinagpatuloy ang kanilang pagaaral at dumagsa rin sa mga palublic schools ang mga estudyante mula sa pribadong paaralan.