Studyante, Patay nang Sumalpok sa Barikada!

*San Agustin, Isabela- *Patay sa pagamutan ang 20 anyos na studyante matapos bumangga sa barikada bandang alas syete y medya kagabi sa pambansang lansangan ng Brgy. Nemmatan, San Agustin, Isabela.

Kinilala ang nasawi at driver ng Suzuki Smash SMC na may plakang BD 45159 na si Kevin Upol, binata, at residente ng Brgy. Dinadiawan, Dipaculao, Aurora.

Sa nakuhang impormasyon ng RMN Cauayan base sa imbestigasyon ng PNP San Agustin, mabilis na binabaybay ng biktima ang lansangan patungong bayan ng Jones, Isabela at nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente ay bumangga ito sa isang barikada.


Napag-alaman ng mga otoridad na galing sa Brgy. Laoag, San Agustin ang biktima at nakipag- inuman sa kanyang mga kamag-anak bago nagmaneho.

Nagtamo ng matitinding pinsala sa katawan ang biktima at isinugod pa ito ng rumespondeng Rescue 111 sa pagamutan subalit idineklara din itong Dead On Arrival ng kanyang attending physician.

Dinala na sa himpilan ng PNP San Agustin ang motorsiklo ng biktima para sa kaukulang disposisyon.

Facebook Comments