Minaliit lang ni AFP Chief of staff Lieutenant General Benjamin Madrigal ang apat na magkakasunod na pag-atake ng NPA sa mga police at military outposts sa Bicol kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Madrigal, itinuturing lang nilang ordinaryong harassment ang ginawa ng NPA sa Magallanes Municipal Police Station at 1st Provincial Mobile Force Company, kapwa sa Sorsogon at Regional Mobile Force Battalion sa Bula, Camarines Sur at pati na rin sa Citizen’s Active Auxiliary detachment ng Philippine Army.
Paliwanag ni Madrigal, kabisado na nila ang style ng NPA na magpapaputok lang ng ilang ulit malapit sa kampo sabay tatakas, para lang masabi na inatake nila ang kampo ng pulis o sundalo.
Maaring “compliance” lang aniya ito o pagsunod sa utos ng kanilang liderato na magsagawa ng pag-atake kaugnay ng kanilang nalalapit na anibersaryo.
Pero, sinabi ni Madrigal na naka-alerto pa rin ang AFP sa posibilidad na ito ay “diversionary tactic” para sa mas malaking pag-atake sa ibang lugar.
Pinaigting na aniya ng AFP ang kanilang koordinasyon sa PNP para sa paglulunsad ng pro-active measures laban sa harassment activities ng NPA.