Sual Mayor Dong Calugay, pinabulaanan sa pagdinig ng senado na may romantic relationship at magkasosyo sila sa negosyo ni dismissed Bamban Mayor Alice Guo

Humarap na sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality ang mga isinasangkot sa iligal na operasyon ng mga POGO sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga at ang ginawang pagtakas ni dismissed Bamban Mayor Alice Guo.

Bukod kay Alice Guo ay dumalo na rin sa pagdinig si Sual Mayor Liseldo “Dong” Calugay, ang sinasabing naging karelasyon, kasosyo sa ilang mga negosyo sa Pangasinan, at pinaniniwalaang may kaugnayan sa pagtakas ng sinibak na alkalde.

Unang sumalang sa pagtatanong ng mga senador si Mayor Calugay kung saan itinanong agad ang ugnayan at relasyon niya kay Guo.


Paulit-ulit namang itinanggi ni Calugay na naging girlfriend o karelasyon niya si Alice Guo at iginiit na magkaibigan lamang sila sa kabila ng mga larawang ipinakita nina Committee Chairperson Risa Hontiveros at Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada, kung saan pareho sila ng suot ng campaign shirt, kapwa rin dumalo ang bawat isa sa victory campaign caravan matapos manalo sa 2022 election, at may dalawa ring larawan na mistulang “couple shirt” dahil sa pareho ang kulay at print.

Mayroon ding larawan si Calugay na suot ang kulay pink na t-shirt na may tatak na pangalan na “Alice Guo” sa harap at may official seal pa ng bayan ng Sual na aniya’y pantulog lamang niya.

Pinasinungalingan din ni Calugay ang tanong ni Senator Joel Villanueva kung mayroon silang joint bank account, mga negosyo, at kung “MU” sila ni Guo o “mayroong usapan”.

Kasama sa mga itinatanggi ni Calugay ang mga negosyo na sinasabing magkasosyo sila ni Guo kabilang ang AC Aquafarm, Dee Aquafarm, Licsel Aquafarm, Dunguo Fish Farm, Guco Aquafarm na pinabulaanan din ng alkalde.

Facebook Comments