Isang sub leader ng Maute Local Terrorist group ang sumuko sa tropa ng 103rd Brigade ng Philippine Army sa Kampo Ranao sa Marawi City, mahigit isang linggo na ang nakalilipas nang aprubahan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang Anti-Terrorism Act of 2020.
Matatandang ang Maute Local Terrorist Group ang kinabsawat ng mga Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) kaya nangyari ang Marawi Siege noong taong 2017.
Ayon kay AFP Western Mindanao Command Spokesperson Major Arvin Encinas, ang sumukong sub leader ng maute group ay kinilalang si Abdullah Lumzed Arumpac, alyas ‘Afghan’ na sumuko nitong July 14, 2020.
Isinuko rin niya ang kanyang caliber 5.56mm AR15 M16A1 Rifle na may isang short magazine at 20 rounds of ammunition sa mga sundalo.
Sinabi naman ni Col. Jose Maria Cuerpo II, ang commander ng 103rd Brigade na si Arumpac ay sangkot din sa engkwentro noong 2015 sa Sandab Butig at Ragayan Poona Bayabao, Lanao del Sur na kanyang ikinasugat at ikinamatay ng kanyang tatlong kasamahan.
Natuwa naman ang militar sa naging desisyon ni Afghan na maki-isa sa layunin ng gobyerno na magkaroon na ng pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao.
Sa ngayon, nanatili sa kustodiya ng mga sundalo ang sumukong terorista.