Sub Task Group on Economics ng DA at DTI, may tinututukan na mga grupo na posibleng nasa likod ng pagsirit ng presyo ng karneng baboy sa merkado

Nagsasagawa na ng case build up ang Sub Task Group on Economics na pinamumunuan ng Department of Agriculture at Department of Trade and Industry laban sa mga nananamantala sa presyo ng baboy.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na may mga traders at wholesalers na ng baboy ang minamanmanan nila ngayon.

Ang hakbang na ito ng ahensya ay bunsod na rin ng nakita nilang problema sa nakalipas na tatlong linggo na ang mga biyahero, traders at wholesalers sa Metro Manila ang nagdidikta sa mataas na presyo ng baboy.


Nakikipagkumpitensiya aniya ang mga ito na itaas ang farm gate price sa mga kanayunan.

Ipinunto pa ni Dar na bago mag-Pasko nitong nakalipas na taon ay maganda naman ang presyuhan ng baboy kahit mataas ang demand.

Gayunpaman, lumipas aniya ang holiday season ay hindi na bumaba pa ang presyo kaya’t minabuti nilang magpatupad ng price cap sa presyo ng karneng baboy at manok sa Metro Manila na tatagal ng dalawang buwan.

Facebook Comments