Subpoena laban kay Sen. Koko Pimentel, ilalabas ng DOJ ngayong araw

Inatasan na ng Department of Justice (DOJ) si Atty. Rico Quicho na personal na magtungo sa DOJ limang araw matapos ang implementasyon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Luzon.

Sa post ni Atty. Quicho sa kanyang social media account, sinabi nito na pinagsusumite na rin siya ng DOJ ng hard copy ng kanyang inihaing reklamo laban kay Sen. Koko Pimentel dahil sa umano’y paglabag ng senador sa kanyang self-quarantine matapos magpositibo sa COVID-19.

Ayon pa kay Atty. Quicho, mayroon na ring tentative na petsa ng preliminary investigation sa kanyang reklamo na itinakda ng DOJ sa May 20, 2020.


Sa isang text message, kinumpirma naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang mga impormasyon mula kay Atty. Quicho.

Una nang nahain ng reklamo sa DOJ si Atty. Quicho laban kay Sen. Koko sa pamamagitan ng electronic filing matapos, aniyang, malabag ng senador ang kanyang self-quarantine nang magpositibo sa COVID-19.

Naniniwala si Atty.  Quicho na nilabag ni pimentel ang Republic Act Number 11332 at Implementing Rules and Regulations ng nasabing batas.

Nilabag din, aniya, ni Sen. Koko ang ilang regulasyon ng Department of Health (DOH).

Kasama sa letter complaint ni Atty. Quicho, ang nakalap online na 200,000 signatures o lagda ng grupong Change.org.

Samantala, ayon kay Prosecutor General Benedicto Malcontento, ilalabas ngayong araw ang subpoena kay Sen. Koko.

Facebook Comments