Subpoena ng Sandiganbayan, may kinalaman sa pagkakasangkot ni dating First Gentleman Mike Arroyo sa sinasabing maanomalyang pagbili ng mga helicopter, pinagtibay ng Korte Suprema

Pinagtibay ng Supreme Court ang inilabas na subpoena ng Sandiganbayan laban sa Anti Money Laundering Council (AMLC).

Ito ay para ilabas ng AMLC ang records ng bangko na nagdadawit kay dating Unang Ginoo Jose Miguel Arroyo sa sinasabing maanomalyang pagbili ng mga helicopter.

Nakasaad sa desisyon ng 3rd Division ng Korte Suprema na ibinasura nila ang petisyon ng AMLC dahil tungkulin ng ahensiya na imbestigahan ang mga maanomalyang transaksyon gamit ang banking system.


Nakalagay rin sa Supreme Court decision na hindi kasama ang AMLC sa mga institusyon na pinagbabawalan ng batas na maglabas ng impormasyon sa mga transaksyon sa bangko

Una rito, lumabas sa imbestigasyon ng Sandiganbayan na ang dating first gentleman ang tunay na may-ari ng mga biniling 2nd hand na helicopter ng Philippine National Police at lumabas ito sa records ng Union Bank.

Gayunman, nakasarado na ang account kaya pinakukuha ng hukuman sa AMLC ang records ng bangko.

Facebook Comments